DBM Press Release

Siniguro ni Department of Budget and Management (DBM) at #BudgetBastoneraNgMasa Secretary Amenah "Mina" Pangandaman na gagawan ng paraan ng gobyerno na matapos ang EDSA Busway Rehabilitation Project at mapalawak pa ang active transport infrastructure projects sa bansa upang agarang mapakinabangan ito ng publiko.
Ito ang naging resulta ng sanib-puwersang pag-inspeksyon ng Kalihim kasama sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, Quezon City Vice Mayor Gian Sotto at Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren, sa nasabing mga proyekto sa Metro Manila nitong Huwebes, ika-07 Agosto 2025.
Sa naging assessment ni Secretary Mina, ikinatuwa n'ya ang improvement ng bagong SM North EDSA Concourse and Busway Station, na bahagi ng buong EDSA Busway Rehabilitation project, na isinaayos ng DOTr at pinasinayaan nitong Marso ngayong taon. Ang nasabiing istasyon ang tinukoy na template para sa natitirang mga isasaayos na busway stations sa kahabaan ng EDSA.
"Natutuwa po muna tayo sa nangyari, nakikita po natin kanina doon sa istasyon sa North EDSA. So, recommendation sana natin is that gusto natin, ma-implement na s'ya sa buong stretch [ng EDSA]. Kung magkulang man ang budget na 'yan, s’yempre ipapakita po natin sa Pangulo na sana ay magawan natin ng paraan," ayon kay Sec. Mina.
"Kasi ang sabi sa atin ni Secreatry Vince dito, P200 million [for] 4 stations, so 20 stations 'yan plus 2 – so, more or less a billion for the entire project. Mukhang mabilis namang gawin, maximum of 8 months. So, siguro irerekomenda natin na baka puwedeng makahanap pa tayo ng budget kung magkulang para mapadiretso natin, by next year – kumpleto lahat – sabay-sabay. 'Wag na nating gawing per phase 'di ba? Sabay-sabay na nating gawin," ayon kay Sec. Mina.
Gawing PWD, Senior Citizen Friendly ang EDSA Busway
Isa pa sa ipinunto ni Sec. Mina na ayusin ang pagkakaroon ng ligtas na espasyo sa mga istasyon para bigyang-ginhawa ang mga komyuter na may kapansanan, buntis, at senior citizens.
"Susunod po, 'yung access ng PWDs at tsaka po nung mga kababaihan, bata po tsaka 'yung mga buntis, senior citizens. Although 'yung iba pong istasyon, merong elevator at escalator. 'Yung iba po kasi maliit. Ipinapaubaya ko po sa mga eksperto kung ano po ang magandang solusyon para matulungan silang magamit itong istasyon," pagpapatuloy ni Sec. Mina.
Ibinahagi naman ni Sec. Vince Dizon na nagawan ng solusyon ng DOTr ang pagpapatuloy ng EDSA Busway rehabilitation project, at pondohan ang pagpapapalit sa Kamuning footbridge na ipinag-utos ng Pangulo kamakailan.
"Nakapaghanap tayo ng pondo with the help of Secretary Mina in order to be able to start Phase 1 and 2 this year already. So, we were able to put together about P500 million, kasama na rin doon 'yung pagpapapalit natin sa 'Mt. Kamuning.' So, lahat 'yun, masisimulan natin this year," pahayag ni Sec. Vince.
Samantala, kasama sa ininspeksyon ng mga opisyal ang mga Active Transport Infrastructure projects sa ilang bahagi ng Quezon City, kasama ang bagong isinagawang Directional Island, Bike Lane at Sidewalk Improvement project sa Elliptical Road sa siyudad.
"This sets a standard for pedestrians and bikers. They feel safe, hindi sila masasagasaan. They’re protected. May greenery. Kumpleto eh. So, we really admire what Quezon City has done. Maganda ‘to gayahin sa iba’t-ibang syudad at ‘yun nga 'yung utos ni Sec. Mina," ayon kay Sec. Vince.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Sec. Mina na utos ni Pangulong Bongbong Marcos na siguruhing nararamdaman at napakikinabangan ng taumbayan ang bawat proyekto at programa ng pamahalaan.
"Narinig po natin ‘yung nakaraang State of the Nation Address ng ating Pangulo na ‘yung budget na inilalaan, hindi lang dapat ‘yan nakasulat doon sa ating GAA, hindi lang nakikita sa website, hindi lang siya guni-guni. Gusto po natin na ‘yung mga ahensya katulad po ni Secretary Vince Dizon po, ‘pag hiniling po nila ‘yung budget, gusto po natin ay nakikita ng tao na naiimplement sa mas lalong madaling panahon," ani Sec. Mina.
###