DBM Press Release

Nakatakdang inspeksyunin ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah "Mina” Pangandaman, ang ating Budget Bastonera ng Masa, ang isinasagawang EDSA Busway Station Rehabilitation Project at iba pang active transport infrastructure projects sa ilang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila bukas, ika-07 Agosto 2025.
Ang aktibidad ay bahagi pa rin ng pagsunod ng kalihim sa utos ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" R. Marcos Jr. na siguruhing maayos na naipatutupad ang mga proyekto ng gobyerno, nararamdaman ng tao, at ang bawat piso at sentimo ng national budget ay nagagamit nang masinop para sa kapakanan ng taumbayan.
"Mag-iikot tayo sa EDSA Busway para i-check ang estado ng rehabilitation project dyan— kung commuter-friendly ba ito, kung inclusive -- lalo na sa mga PWD at mga senior citizens. Iche-check din po natin 'yung mga bike lane projects para makita kung ano pa ang puwedeng i-improve,” ayon kay Sec. Mina.
"S'yempre po, ang titingnan din natin d'yan kung 'yung mga bike lanes ba ay walang obstruction, safe at walang baku-bako ang daan, at kung may sapat na provision ng bike racks para sa ating mga cyclists, importante po 'yan," pagpapatuloy ng Kalihim.
"Ginagawa po natin ito para siguruhin na 'yung pondong inilalaan natin mula sa ating national budget ay hindi guni-guni o nakatengga lang. Dapat po 'yan ay nakikita, gumagana, nararamdaman, nakikita at lalung-lalo na, nakatutulong sa ating mga kababayan," dagdag pa n'ya.
Kasama ni Sec. Mina sa naturang aktibidad sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, Quezon City Mayor Joy Belmonte at ilan pang opisyal ng pamahalaan.
Isasagawa ang joint inspection sa SM North-EDSA Busway Station, North Avenue - EDSA Busway Station, at active transportation at PUV stop projects sa ilang bahagi ng Quezon City.
###