DBM Press Release

Siniguro ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah "Mina" F. Pangandaman na gagawin ng DBM ang lahat upang mas mabilis na maramdaman ng taumbayan ang mga benepisyo ng mga proyekto at programang pinaglaanan ng pondo, gayun din ang pagiging mas bukas at accountable ng gobyerno.
Sa kanyang panghuling pahayag sa 2025 Post-SONA Discussions na inorganisa ng Presidential Communications Office noong ika-29 ng Hulyo 2025, ibinahagi ni Secretary Pangandaman ang determinasyon ng DBM na tumulong sa pagpapatupad ng pangako ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" R. Marcos Jr. sa kanyang SONA na ibubuhos at hihigitan pa ng administrasyon ang pagbibigay-ginhawa sa mga Pilipino.
"Sa Bagong Pilipinas, asahan n'yo po na ang Department of Budget and Management, katuwang ng ating mga Gabinete, ay magiging responsive po sa pagsasagawa ng ating budget. Ilalaan po natin ang pondo ng bayan sa kung saan ito tunay na kailangan. Kung ano po ang kinakailangan ng tao, makikinig po kami d'yan, handa po kaming mag-invest d'yan," ani Sec. Pangandaman.
"We will make sure na kung anumang budget na nakalaan sa atin, ay makarating ng mas mabilis sa mga tao. We will be more transparent, we will be more accountable sa mga kababayan natin," pagbibigay-diin ni Secretary Mina.
Ayon sa Kalihim, suportado ng administrasyon ang buksan sa publiko ang pagbubusisi ng budget sa Senado at Mababang Kapulungan.
"Nauna na po ang ating Ehekutibo na magsabi na kung maaari, buksan ang ating bicam proceedings ng ating budget deliberations, mula sa simula hanggang sa dulo, hanggat ito po ay makaabot sa Office of the President, hanggang sa ito'y mapirmahan ng ating Pangulo," aniya.
Sa bahagi naman ng taumbayan, hiling ng DBM Secretary, "Ang gusto sana natin ay makibahagi ang ating mga kababayan, lalo na po ang ating mga kabataan, para malaman po nila kung paano ang paggawa ng budget, at saka kung pa'no ito matatapos. Sinimulan natin na ito'y bukas o transparent at accessible sa tao— hanggang sa matapos po ito po ay bukas sa publiko."
###