DBM Press Release

Tiniyak ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman na may sapat na pondo ang gobyerno upang tumugon sa pangangailangan ng mga nasalantang lugar bunsod ng sunud-sunod na pagbaha at mga inaasahan pang bagyong makaka-apekto sa bansa.
“Utos po ni Pangulong Bongbong Marcos na siguruhing mabibigyan ng agaran at kinakailangang suporta ang mga kababayan natin sa mga lugar na nasalanta ng bagyo. Sa ating national budget naman po, may nakalaan tayong pondo na handang tumugon sa panahon ng kalamidad o ‘yung tinatawag po nating NDRRMF (National Disaster Risk Reduction and Management Fund),” ayon kay Sec. Mina.
“Bawat frontline agencies din po ay may stand-by fund na maaaring gamitin sa relief and recovery efforts. So, we appeal to them to closely coordinate with us so we can provide them with what they need, including the replenishment of their Quick Response Funds (QRF),” dagdag pa n’ya.
Ang QRF ay built-in stand-by fund na ginagamit ng mga ahensya sa mga paghahanda, sa relief at rehabilitation efforts sa oras ng mga sakuna at kalamidad. Maaaring mag-request ang mga concerned agency sa DBM ng replenishment nito kapag nagamit na ang at least 50 percent ng kani-kanilang mga QRF.
“Huwag pong mag-alala ang ating mga kababayan dahil may sapat pong pondo ang pamahalaan. Ang DBM naman po, basta’t kailangan at kumpleto ang dokumento, agad naming pinoproseso ang release ng pondo,” Sec. Mina said.
“Kaya naman nananawagan po ang DBM sa lahat ng mga government agencies na siguraduhin na ang pondong inilalabas namin, down to the last centavo, ay makakarating sa mga nararapat na benepisyaryo sa lalong madaling panahon,” Sec Mina ended.
###