Bilang pagtugon sa layunin ng administrasyong Marcos Jr. na lalo pang pasiglahin ang agrikultura at gawin itong pangunahing tagapagtaguyod ng kaunlaran at kabuhayan sa bansa, ilang banner food programs ang makatatanggap ng kabuuang P42,844,114,000 pondo sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).
Kasama sa mga programang ito ng Department of Agriculture (DA) ang National Rice Program, National Corn Program, National Livestock Program, National High-Value Crops Development Program, Promotion and Development of Organic Agriculture Program, at National Urban and Peri-Urban Agriculture Program. Layon ng mga nasabing programa na tugunan ang food security o sapat na suplay ng pagkain at kahirapan, at makamit ang sustainable growth sa pagpapaigting ng farm income at productivity.
“President Ferdinand R. Marcos Jr. has emphasized many times that agriculture is a top concern priority of his administration. Our 8-Point Socioeconomic agenda puts primacy on food security and agricultural output. As such, we have ensured that important programs which seek to increase farm income and productivity will get a much-needed boost,” ayon kay Department of Budget and Management Secretary Amenah F. Pangandaman.
(“Paulit-ulit na binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang agrikultura ay mananatiling top concern at priority ng kaniyang administrasyon. Pangunahin sa ating 8-Point Socioeconomic Agenda ang food security at agricultural output. Kaya naman, sinisiguro natin na makatatanggap ng kaukulang suporta ang pagpapaigting sa mga mahahalagang programa na layong pataasin ang farm income at productivity.")
Ang National Rice Program (NRP) na tumutugon sa pagsasaka ng palay at pagpapa-angat ng buhay ng mga Pilipinong magsasaka ay mayroong P30.30 bilyon na budget ngayong taon. Dinoble ng pamahalaan ang alokasyon para sa produksyon ng palay sa ilalim ng NRP para sa taong ito mula sa P15.78 bilyon lamang noong 2022.
Ang National Corn Program naman ay may P5.02 bilyong pondo ngayong 2023. Ang programang ito ay naglalayong paigtingin ang produksyon ng magandang kalidad ng mais at cassava bilang pagkain ng tao, hayop at maging para sa industrial uses. Tinutulungan din ng programang ito ang mga magsasaka na pataasin ang kanilang kita.
Ang National Livestock Program, kung saan pinabibilis ang pag-unlad ng sektor ng manukan at kabuuang livestock sector sa pamamagitan ng pagpapalakas ng produksyon at stakeholders’ profitability, ay binigyan ng P4.50 bilyong pondo.
Kabuuang P1.80 bilyon naman ang inilaan para sa National High-Value Crops Development Program. Ang programang ito ay makatutulong sa pagpapaigting ng produksyon, proseso, pagbenta at distribusyon high-value crops.
Samantala, P900 milyon ang inilaan para sa Promotion and Development of Organic Agriculture Program. Layunin ng programang ito na isulong, ipalaganap at paunlarin pa ang pagsasagawa ng organic agriculture sa Pilipinas.
At ang huli ay ang National Urban and Peri-Urban Agriculture Program, na tatanggap ng P318.47 milyon sa ilalim ng 2023 GAA. Ang programang ito ang magsusulong ng urban at peri-urban agriculture at iba pang umuusbong na agriculture practices sa pamamagitan ng Plant, Plant, Plant program.
###