DBM Press Release

Sa isang panayam tungkol sa mga proyekto at programa na ipinasok ng Kongreso sa National Budget para sa taong 2025, binigyang-diin ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman na, mayroong P757-bilyong pondo para sa mga programa at proyektong idinagdag ng Kongreso sa national budget ay dadaan muna sa butas ng karayom bago mai-release.
Sa kanyang interview sa programang Dos Por Dos ng DZRH, muling ipinaliwanag ni Secretary Mina ang Section 6 ng veto message ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na nakatutok sa lahat ng mga bagong proyekto, aktibidad, at programa sa General Appropriations Bill (GAB) 2025 na nagkakahalaga ng P783 bilyon. Kasama rito ang P26 bilyon na sumailalim sa line-item veto at ang P757 billion na isinailalim sa ‘Conditional Implementation’ ng Pangulo.
Matatandaan na ginamit ng Pangulo ang kanyang konstitusyonal na kapangyarihan sa pag-veto ng proposed National Budget bago ito tuluyang naisabatas bilang General Appropriations Act (GAA) 2025 noong ika-30 ng Disyembre ng nakaraang taon. Ito ay bilang tugon sa mga hinaing ukol sa posibleng anomalya sa paggamit ng pera ng taumbayan.
“P757 billion, ‘yung hindi napapag-usapan. Kailangan po ma-justify nila [mga ahensya] ang release ng mga ito bago i-approve. Kasama po doon ang AKAP (Ayuda sa Kapos ang Kita Program). So, hindi po siya automatically released,” saad ng Kalihim.
Nakasulat sa veto message ng Presidente na kailangan ng malinaw na mga patakaran o guidelines tungkol sa mga batas, polisiya, at regulasyon para sa lahat ng nasa ilalim ng Conditional Implementation bago mai-release ang pondo.
Tinalakay din ni Secretary Mina na ang P757 bilyon na Congressional adjustments ay mangangailangan ng Special Allotment Release Order (SARO). Ang prosesong ito ay tinatawag na For Issuance of SARO (FISARO). Maliban dito, kailangan din ng approval mula sa Executive Secretary at Office of the President.
“Nagbigay po siya [PBBM] ng directive sa lahat ng ahensya ng gobyerno. Sinabihan niya po yung mga Cabinet Secretaries na tignan mabuti 'yung mga proyekto. Sinabi po ng Pangulo na ‘yung mga priority and legacy projects natin, i-make sure may pondo dahil kung walang pondo ‘yan meron kayong authority para mag-augment, mag-realign or for savings sa mga proyektong hindi niyo gusto,” dagdag ng Budget Secretary.
Sinisiguro ng Presidential veto na ang mga bagong items na idinagdag ng Kongreso ay ayon sa cash programming ng gobyerno, sumusunod sa tamang pamamahala sa pera, may approval ng Pangulo, at naaangkop sa rules and regulations ng budget.
###