Accessibility Tools

 

 
DBM Press Release
 
 
Nagtulung-tulong ang Department of Budget and Management (DBM), Philippine Red Cross (PRC), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Sports Commission (PSC) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para matagumpay na maisagawa ang bloodletting program kahapon, ika-24 ng Setyembre 2024 sa Philsports Complex, Pasig City.
 
Layon ng aktibidad na makalikom ng mga donasyong dugo mula sa volunteers at blood donors sa mga nasabing ahensya na inaasahan namang makapagbibigay ng tulong sa sinumang nangangailangan, lalo na sa mga may karamdaman o sakit na kinakailangang salinan ng dugo. Ito ay lalo na't ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health, umabot na sa 208,000 ang mga naitalang kaso ng dengue ngayong taon, na mas mataas ng 68 percent sa parehong panahon noong 2023.
 
Sa kaniyang mensahe, pinasalamatan ni DBM Secretary Amenah "Mina" F. Pangandaman, na may katungkulan rin bilang rear admiral ng PCG Auxiliary, ang mga ahensyang tumulong sa pag-organisa ng programa, pati na ang mga donor na boluntaryong nakibahagi sa bloodletting program.
 
"Without everyone’s commitment, compassion, and willingness to give, we wouldn’t be able to support the many lives that depend on a steady supply of safe blood. Nagbibigay tayo ng isang bagay na libre, pero walang katumbas naman ang halaga—ang magdugtong ng buhay," ayon kay Secretary Mina.
 
Dinaluhan din ang "Dugtong Buhay Movement" ng mga opisyal mula sa mga partner agencies, kabilang na sina MMDA Chairman Romando Artes, PSC Chairman Richard Bachmann, MMDA Undersecretary Procopio Lipana, PCG CDR Raymund James Torremonia, at Dr. Gerald Valeriano ng Philippine Red Cross.
 
Sa pagtatapos ng bloodletting program, umabot sa 300 na indibidwal ang nakapagbigay ng libreng dugo matapos matukoy bilang mga kwalipikadong blood donor.
 
###