Accessibility Tools

 

 
DBM PRESS RELEASE
February 2024
 
 
Tiniyak ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina F. Pangandaman na itutuloy ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsiguro na patuloy na makikinabang ang publiko mula sa mga programa ng gobyerno na nagbibigay kabuhayan at tumutulong sa pagkakaroon ng trabaho para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng paglalaane ng kabuuang P32.720 bilyon sa ilalim ng FY 2024 General Appropriations Act (GAA).
 
 “To fulfill the President’s directive to empower our workforce, we remain committed to supporting programs that will continue to provide quality jobs and employment opportunities. The livelihood programs, educational initiatives, and safety nets we’ve put in place will not only provide immediate relief but also pave the way for sustainable growth,” pagbibigay-diin ni Secretary Mina.
 
Kasama sa nilaanan ng pondo ang mga programa na ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE)

Isa sa mga programa ay ang Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na binigyan ng P28.867 bilyon para sa taong 2024. Ang TUPAD program ay isang community-based safety net initiative na nagbibigay ng  pansamantalang trabaho sa mga manggagawa sa informal sector.  Partikular na target nito ang mga underemployed o mga manggagawang hindi nakatatanggap ng sapat na sahod sa kanilang kasalukuyang trabaho; ang mga self-employed na nagtatrabaho para sa kanilang sarili; at ang mga higit na nangangailangan na nawalan ng trabaho o  nabawasan ang kita dahil sa pandemya.
 
Naglaan din ng pondo para  sa Jobstart Philippines Program na nagkakahalaga ng P46.021 milyon. Layunin ng JobStart program na tulungan ang mga kabataang, na may hindi bababa sa high school education at walang trabaho at  hindi nag-aaral, na magkaroon ng kaalaman sa lokal na kundisyon ng labor market, career assessments, at life skills training, at pagkatapos nito, magkakaroon sila ng pagkakataon na sumailalim sa teknikal na pagsasanay at internship sa mga employer sa private sector employers.
 
Bukod dito, mayroong kabuuang P488.198 milyon ang inilaan para sa Special Program for Employment of Students (SPES). Ang SPES ay isang inisyatibang naglalayong magbigay ng pansamantalang trabaho sa mga estudyanteng nangangailangan upang manatili sila sa paaralan at makumpleto ang kanilang edukasyon. Ito ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na makapagtrabaho at maging produktibo sa kanilang bakasyon.
 
Sa ilalim ng 2024 GAA, naglaan ng pondo para sa DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), na nagkakahalaga ng P2.352 bilyon. Ang DILP, na kilala rin bilang Kabuhayan Program, ay isa sa mga pangunahing programa ng DOLE. Layunin nito na tulungan ang mga marginalized groups tulad ng mga self-employed, unpaid family members, mga manggagawang may mababang sahod at mga seasonal worker, mga manggagawang nawalan ng trabaho, at mga  magsasakang walang lupa.
 
Dagdag dito, may alokasyon din para sa Government Internship Program (GIP), na nagkakahalaga ng P707.716 milyon. Ang GIP ay isang inisyatiba ng gobyerno na nagbibigay ng oportunidad sa internship para sa mga kabataang may edad 18-30. Target nito ang mga high school students, mga mag-aaral sa technical-vocational institute, mga college graduate na gustong ituloy ang karera sa serbisyo publiko, at mga out-of-school youth.
 
Dagdag pa, mayroong budget na inilaan para sa DOLE Adjustment Measures Program (DOLE AMP), na nagkakahalaga ng P258.722 milyon. Ang programang ito ay naglalayong mapabuti ang kasanayan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo para sa mga proyektong hahasa sa kanilang kasanayan. Ito ay isang positibong hakbang tungo sa pagpapalakas sa mga manggagawa at pagsusulong ng kanilang professional development.
 
Binanggit ni Sec. Mina na ang mga programa na nabanggit sa ilalim ng 2024 GAA ay naaayon sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na isang Bagong Pilipinas, na layuning lumikha ng isang komprehensibong plano para sa pagbabago sa ekonomiya at lipunan.
 
 
###
 
 
Telephone: (+632)-8657-3300 local 2522