
To the Board of Trustees of the Navotas Polytechnic College (NPC), led by its Chairperson, Mayor John Rey M. Tiangco; Congressman Tobias Reynald M. Tiangco; University Officials, headed by our College President; the academic council, faculty, staff, students, parents, guardians, dear graduates, guests, ladies and gentlemen, magandang umaga po sa ating lahat.
Una po sa lahat, gusto kong batiin ang lahat ng nagsipagtapos ngayong araw—ang Navotas Polytechnic College Class of 2026. Congratulations!
Pero higit po sa mga magsisipagtapos, gusto rin po natin siyempreng batiin ang mga magulang, lolo’t lola, kapatid, guardian, at lahat ng mga taong tahimik na nagsakripisyo para marating ninyo ang araw na ito.
May mga magulang na nag-overtime para may maipambaon. May mga nanay at tatay na nagtiis na wala munang bagong gamit para maipambili ng inyong school requirements. May mga pamilyang piniling unahin ang pangarap ninyo kaysa sa sarili nilang kaginhawaan.
Kaya ang araw na ito ay hindi lamang selebrasyon ng inyong diploma. Selebrasyon din ito ng pagmamahal, sakripisyo, at pananampalataya ng mga taong hindi sumuko sa inyo.
Palakpakan po natin sila.
Isa pong malaking karangalan ang makapagbigay ng inspirasyon sa mga kabataang katulad ninyo – ang mga bagong henerasyon na magtataguyod sa ating bayan.
Ngunit noong una ko pong matanggap ang imbitasyon para maging bahagi ng Commencement Exercises ng Navotas Polytechnic College, tinanong ko po muna ang sarili ko: Puwede ka palang maging Commencement Speaker ng isang Kolehiyo nang dalawang beses? Dahil naging Commencement Speaker na po ako ng NPC noong 2019.
Pero hindi ko po ito puwedeng tanggihan. Una, dahil malapit sa puso ko ang edukasyon. At pangalawa, at kanina pa po ito nababanggit, ako po ay isang proud Navoteño since birth.
Nagtapos po ako sa Bagumbayan Elementary School at sa Navotas High School kung saan nga po namin Principal si Doc Tins kung aming tawagin. Kaya kapag may nagtatanong sa akin kung kumusta ang kabataan ko, ang sagot ko: “Masaya. Tuloy ang pag-aaral kahit umuulan. Pumapasok sa eskwela kahit tumutulay sa mga silya dahil may baha.”
Pero, ‘yan ay bago pa tayo mapalibutan ng mga bombastic pumping stations na pinangunahan ni dating Mayor at ngayo’y Congressman Toby Tiangco na pinagpatuloy ni Mayor John. Kaya, palakpakan po natin ang ating mga ama ng Lungsod ng Navotas.
Noon, pagkatapos ng ulan at baha, kanya-kanya na kaming toka sa paglilimas. Mag-uumpisa sa timba habang malalim pa, hanggang sisimutin na lang ng dustpan bago tuyuin ng mga basahan.
Pero ngayon, hangga’t gumagana ang mga pumping stations, tumaas man nang kaunti ang baha ay kaagad naman itong bababa sa loob lamang ng
ilang minuto. At iyon ay kung maayos din tayong nagtatapon ng basura para hindi mabarahan at masira ang ating mga pumping stations.
Kaya isa lang ang napatunayan ko, dito sa Navotas, masusubok ang katatagan mo. As I always like to put it – the true spirit of a Navoteño is that of resilience. At dito sa Navotas, anuman ang sirkumstansya, binibigyang-halaga natin ang edukasyon.
Habang lumalaki ako, ‘yan po ang mariing tagubilin sa akin ng aking mga magulang – ang mag-aral nang mabuti. Pangalawa, maging disiplinado sa oras. Strikto ang tatay ko sa oras ng pagkain. Dapat alas sais pa lang nasa bahay na ako dahil kakain kami nang sabay-sabay pagdating ng alas siyete. Hindi ako puwedeng wala sa bahay ng alas siyete ng gabi. Kaya kahit College na po ako, alam po ng mga kaklase ko na dapat alas siyete ay nasa bahay na po ako.
Ang pangaral ng mga magulang ko ang naging gabay ko para pagbutihin ang aking pag-aaral. Pareho silang hindi nakatapos ng kolehiyo. Kaya habang lumalaki ako, pakiramdam ko hindi lang pangarap ko ang dala ko—dala ko rin ang pangarap na hindi nila nagawang abutin.
At siguro marami sa inyo ang nakaka-relate doon ngayon.
Kaya kapag tinanggap ninyo ang diploma mamaya, tandaan ninyo: maaaring pangalan ninyo ang nakasulat dito, pero hindi lang kayo ang nagtapos ngayon.
Dito ako sa Navotas ipinanganak, nagka-isip, at unang nangarap. Kaya, ang itinuro sa akin ng mga magulang ko at ng Navotas ay dala-dala ko pa rin hanggang ngayon.
Bilang taal na Navoteño, pagkatapos kong maka-graduate sa UP ng Public Administration, ang unang trabaho ko ay sa City Hall pa rin – bilang Youth Development Officer at si Mayor John po ang una kong boss.
As you can see, lagi ko pong binabalikan ang Navotas. At kahit saan man ako dalhin ng buhay, malaking bahagi ng pagkatao ko ang Navotas.
I’ve graduated from college not too long ago. It was in 2014, when I can say that we lived in a simpler time. Ang inaabangan lang namin noon ay kung sino na namang celebrity ang kakasa sa ice bucket challenge. ‘Yun din ang panahon ng kasagsagan ng love team ng KathNiel at ‘yun ang taon na inanunsyo nila ang remake ng teleseryeng “Pangako Sa’yo”.
Ngayon, mas marami na ang mga challenge, hindi na lang pagbubuhos ng yelo sa sarili. At mas nakalulungkot—break na rin ang KathNiel.
But kidding aside, marami na ang nagbago. Ngayon, mas seryoso na ang mga hamon sa ating buhay at sa ating bansa.
And the challenges that the country faces today demand not only the contribution of those already in leadership, but also the energy, creativity, and courage of the young, especially of newly minted graduates like you.
Nariyan ang hamon ng climate change at ng mas madalas na kalamidad. Mayroon tayong oil crisis, learning crisis at pangangailangang palakasin ang kalidad ng edukasyon. Nariyan ang pangangailangan sa pagkakaroon ng disenteng trabaho at oportunidad. Mas naging malalim na rin ang usapin ng mental health, lalo na sa mga kabataan; nandiyan pa rin ang kahirapan, gutom, misinformation, korapsyon, at pagbaba ng tiwala sa ating mga institusyon.
Hindi ito mga problemang nababasa lang sa balita.
Ito ang dahilan kung bakit may mga pamilyang naghihigpit ng sinturon. Ito ang dahilan kung bakit may kabataang napipilitang magtrabaho habang nag-aaral. Ito ang dahilan kung bakit may mga pangarap na kailangang ipagpaliban.
Kaya kailangan namin kayo – hindi lamang bilang mga empleyado, mga propesyonal, at mga lingkod-bayan, kundi bilang mga indibidwal na may pakialam, mga kabataang gumagamit ng teknolohiya sa tamang pamamaraan, at mga mamamayang hindi natatakot magtanong at maningil ng katarungan.
Ito rin ang dahilan kung bakit, bilang inyong Budget Secretary, sinisiguro natin na ang pambansang budget ay nakatuon sa mga sektor na tunay na may direktang epekto sa buhay ng bawat Pilipino.
At unang-una na diyan ang Education sector. Bilang pagsunod sa itinakda ng ating Konstitusyon, ang edukasyon ang may pinakamalaking bahagi sa ating pambansang budget. Malaki ang ating pamumuhunan para sa edukasyon para mas marami pang kabataan ang makapag-aral, makapagtapos, at magkaroon ng pag-asang makamit ang kanilang mga pangarap.
Kapag pinag-uusapan natin ang budget para sa edukasyon, hindi numero ang naiisip ko. Mga mukha ang naiisip ko. Mga kabataang pinipiling lumaban araw-araw para makapagtapos.
Tulad na lamang ni Carl Joseph L. Garcia.
Simula noong Senior High School, tumutulong siya sa negosyo nilang aircon cleaning service. Habang ang ibang estudyante ay nasa bahay at nakatutok sa online class, si Carl Joseph ay nagkukuskos ng makapal na dumi ng aircon habang nakikinig sa lecture. Palakpakan natin si Carl!
Para makapagtapos ng pag-aaral, sinubukan n'ya rin ang iba pang paraan para kumita – nagbenta ng rice meals sa mga kapwa estudyante, nagbenta ng pre-loved na mga damit, at naging Angkas rider.
Sa lahat ng sakripisyo at hirap na pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral, natuto s’ya ng responsibilidad, pagtitiyaga, at pagiging praktikal sa buhay.
Ang sabi ni Carl Joseph – na ngayon ay magtatapos sa kursong Business Administration – pangarap n’yang magkaroon ng sariling negosyo, makapagbigay ng trabaho sa iba, at maibalik sa kanyang pamilya ang lahat ng sakripisyong ginawa nila.
Kaya palakpakan natin si Carl Joseph! Saludo kaming lahat sa iyong dedikasyon na nagbunga ng iyong pagtatapos sa araw na ito. Maraming salamat, Carl!
Bukod sa edukasyon, prayoridad din ng pamahalaan ang Social Protection sector. Ibig sabihin, ang paglago ay kaakibat ng pagsisigurong may proteksyon ang bawat pamilyang Pilipino sa mga pagsubok.Kapag binibigyan ng suporta ang mga nangangailangan, mas may tsansa silang makaangat sa buhay.
Minsan may nagtatanong: “Talaga bang may epekto ang social protection?”
Hayaan ninyong sagutin ko iyon hindi gamit ang statistics.
Sasagutin ko gamit ang kwento ng isang tao – sa katauhan ni Renmar Cajefe – panganay sa tatlong magkakapatid, anak ng isang maybahay at karpintero, at pamilya ng isang proud 4Ps beneficiary.
Ang kwento po ng nanay ni Renmar, madalas po silang kapos pero kinakaya nilang mag-asawa na pag-aralin ang kanilang tatlong mga anak.
May mga araw na kulang-kulang ang baon at halos pamasahe lang ang kayang ibigay. Minsan, walang ulam, pero ang importante—pumapasok sa eskwela at nagpupursigeng mag-aral.
Ngayon, ang pamilyang 4Ps beneficiary ay may anak ng nakapagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration major in Human Resources.
Renmar, congratulations sa iyo at sa iyong pamilya! Sana, dumami pa ang pamilyang tulad n’yo. Palakpakan po natin sila.
Bilang mga Navoteño, hindi na bago sa atin ang usapin ng kalamidad. Nakita at naramdaman na natin ang epekto ng sakuna. Kaya nang ako po ay manungkulan bilang Acting Secretary ng Department of Budget and Management, batid ko po ang kahalagahan ng pagpapatibay sa disaster resilience ng bansa.
Kasama po sa pamumuhunan natin ang pagpapalakas sa ating National Disaster Risk Reduction and Management initiatives, tulad ng pagtatayo ng mga maayos na flood mitigation infrastructure na alam po natin na kapag sa Navotas ay tunay na naisasagawa at paglalaan ng pondo sa rehabilitation and recovery efforts ng gobyerno tuwing may kalamidad.Yan po ay para mabigyang pag-asa ang mga tulad ni Bea Marie Vicente – isang SK member at youth advocate for climate resilience, disaster risk reduction, and youth empowerment.
Para sa kanya, ang buhay-estudyante ay hindi lang tungkol sa exams, classrooms at requirements. Ang college years n’ya ay iginuhit ng mga karanasan ng pagtulong sa kapwa.
Sa halip na gumawa ng schoolwork, kapag tumatama ang bagyo, sinusuong n’ya ang baha para makarating sa evacuation centers. Ang sabi ni Bea – “The deadlines could wait, but the people could not.”
Kasama ang mga kapwa volunteer, tumutulong s’yang magpatuloy ng mga pamilyang lumilikas, nagsasagawa ng relief efforts, at nagpapatakbo ng operasyon ng mga evacuation center.
S’ya ang patunay na ang edukasyon ay hindi lamang naghahanda sa atin para magkaroon ng magandang karera o propesyon. Hinuhubog din nito
ang ating kakayahang magmalasakit at tumulong sa iba, lalo na sa panahon ng pangangailangan." Bea’s story is more than just gaining a diploma. Her story is shaped by every lesson that comes with resilience, compassion, and hope.
Higit sa diploma, ang babaunin mo sa iyong pagtatapos ay ang pasasalamat mula sa mga buhay na iyong binigyang halaga.
Bea, you exemplify what a true servant leader is. Kaya,. Palakpakan naman natin si Bea, at atin siyang i-recognize! Congratulations on your achievement!
Aside from Education, Social Protection, and Climate Action, your government is also investing heavily in the Healthcare sector. We believe that a healthy nation is the foundation of a productive and resilient economy.
‘Yan po ang dahilan kung bakit namumuhunan tayo para gawing mas abot-kaya at accessible ang serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino.
Mas pinaiigting natin ang kakayahan ng bawat lokal na pamahalaan at pinalalakas natin ang kapasidad ng bawat healthcare facility sa bansa para maging malusog ang ating mga mamamayan at mabigyan ng agarang kalinga ang mga kababayan nating lubos na
nangangailangan.
Dahil kapag mas inaalagaan natin ang ating mga health workers, mas marami silang buhay na maaalagaan – tulad po ni Larskie Balite na 11 years nang nagtatrabaho sa Navotas City Hospital.
Sa edad na 36, nahuhuli man para sa iba at hirap makipagsabayan sa mga batang kaklase, nagawa n’ya pa ring makapagtapos ng kolehiyo.
Ang istorya ni Larskie ang patunay na sa kabila ng pagdududa sa sarili at sabay-sabay na responsibilidad, kayang-kaya pa rin maabot ang inaasam na pangarap. Thank you to modern-day heroes like you, Larskie. And congratulations on your achievement!
Palakpakan po natin silang lahat.
Dear graduates, today, my job is to remind you of this: as Navoteños, we are not strangers to hardship. You have seen opportunities become difficult and your families make sacrifices just to keep your dreams alive. But if there is one thing Navotas has taught us, it is that tough times do not simply test us – they form us. Kaya naniniwala ako: kung mabigat man ang mga hamon ng panahon, lalo lang tayong pinatitibay ng mga ito.
And as you transition from being students into professionals, allow me to share with you some advice. Sa DBM, may social media series kami na kung tawagin ay A.S.K – Alamin Kay Sec. Kim, kung saan nagbibigay ako ng paglilinaw sa mga madalas na tanong patungkol sa national budget. By the way, mapapanood n’yo ‘yan sa official Facebook page ng DBM at sa Usapang Budget Natin.
Ngayon, bilang pagtatapos, gusto kong mag-iwan ng isa pang A.S.K. o Advice ni Sec. Kim.
Hindi na tungkol sa budget, kundi tungkol sa buhay.
Una: You have to work hard, but more importantly, work smart. Alam kong sanay ang maraming Navoteño sa sipag. Sanay tayo sa pagod, sa sakripisyo, sa pagsabay ng trabaho, pag-aaral, pamilya, at pangarap. But as you step into the next chapter of your life, remember this: effort matters, but direction matters too. Hindi lahat ng pagod ay nagdadala sa tamang direksyon. Minsan, pagod lang ang naipon. Kaya huwag lang kayong maging masipag. Siguraduhin ninyong ang sipag ninyo ay may malinaw na direksyon.
Learn how to prioritize. Learn when to ask for help. Learn how to use opportunities wisely. Pero hindi ibig sabihin ng work smart ay iiwas ka sa hirap. Ang ibig sabihin nito, gamitin natin ang talino, diskarte, at karanasan para mas maging makabuluhan ang bawat hakbang sa buhay.
That’s the first one: Work hard, but more importantly, work smart.
Second: Protect your integrity. Mahihirapan kayo. There will be moments when shortcuts will look tempting, when pressure will be heavy, and when doing the right thing will test your resolve. Pero tandaan ninyo – ang diploma ay mahalaga, ang trabaho ay mahalaga, ang tagumpay ay mahalaga – pero mas mahalaga ang pangalan at pagkataong dinadala ninyo. Your skills can open doors, but your integrity will keep you worthy of the opportunities that come your way. Napakahirap buuin ng tiwala. Pero isang maling desisyon lang, maaari itong mawala.
Kung may mga pagkakataong susubukin kayo, choose honesty. Choose fairness. Choose what is right kahit walang nakakakita. Dahil sa huli, mahalaga ang hindi lang kung gaano kataas ang narating mo, kundi kung paano mo ito narating.
Pangatlo: Make every opportunity count. Minsan, ang isang maliit na trabaho, isang simpleng assignment, isang volunteer activity, o isang mahirap na karanasan ang magiging daan para matuto tayo ng pinakamahalagang aral. Ang maliliit na bagay ang kadalasang naghahanda sa atin para sa malalaking pagkakataon.
Kaya huwag n’yong maliitin ang maliliit na simula o trabaho. Make every task count. Make every relationship count. Make every lesson count. At higit sa lahat, siguraduhin na ang anumang output ninyo – sa trabaho, sa negosyo, sa serbisyo, o sa komunidad – ay hindi lamang para sa personal na benepisyo. Let your success redound to the greater good.
Kung aangat kayo, sana’y ‘wag n’yong kalimutan iangat din ang iba. Dahil ang tunay na tagumpay ay hindi lang nasusukat sa kung ano ang nakuha mo, kundi sa kung ano ang naibahagi mo.
Pang-apat: Find your purpose. After today, marami sa inyo ang maghahanap ng trabaho, magsisimula ng negosyo, tutulong sa pamilya, o magpapatuloy sa pagkatuto ng iba pang mga bagay.
But, beyond asking how much you will earn, ask what kind of impact you want to make. Dahil kapag pera lang ang hinahabol, madaling mapagod. Pero kapag may malinaw kang dahilan kung bakit ka bumabangon araw-araw, mas mahirap kang patumbahin.
Ang purpose ay hindi laging malinaw sa umpisa. Kaya habang hinahanap ninyo ang inyong landas, huwag kalimutang bumalik sa tanong na para kanino at para saan ang lahat ng inyong ginagawa. Kapag malinaw ang purpose sa buhay, mas magiging matatag kayo sa hirap, mas magiging mapagpakumbaba kayo sa tagumpay, at mas magiging makabuluhan ang bawat pangarap na inyong hahabulin.
As you leave this hall today, always bring with you the values that shaped you. Dalhin ninyo ang sipag na natutuhan ninyo sa bahay, ang disiplina na hinubog ng inyong mga professor, ang tapang na nabuo sa bawat pagsubok, at ang malasakit na itinuro sa inyo ng komunidad na inyong pinagmulan. Your diploma is proof that you have learned many things, but your values will determine how you will use what you have learned.
Ang diploma ay papel. Mahalaga ito. Pinaghirapan ninyo ito. Pero balang araw, hindi na diploma ang aalalahanin ng mundo. Aalalahanin nila kung paano ninyo ginamit ang mga natutuhan ninyo. Kung paano kayo naging katrabaho. Kung paano kayo naging lider. Kung paano kayo naging tao.
Huwag n’yong kalilimutan kung saan kayo nanggaling. We come from Navotas – a city that knows how to rise after every calamity, how to work with dignity, and how to keep dreaming even when life is difficult. Ang pinagmulan n’yo ay hindi hadlang sa inyong pag-unlad – ito ang inyong pundasyon. It is the source of your resilience, your grit, and your ability to face life with courage.
Huwag din ninyong kalilimutan ang mga taong nagpalaki, gumabay, at naniwala sa inyo. Your parents, guardians, teachers, friends, and mentors who may not have walked across this stage with you, but they carried part of the weight that brought you here. May mga kamay na nagtrabaho para may baon tayo, may mga pusong nag-alala habang nagpupuyat tayo, at may mga taong tahimik na nagdasal na sana ay kayanin ninyo. Today, your success is also their victory.
Kaya sana, pag-uwi ninyo pagkatapos ng ating palatuntunan, yakapin ninyo sila. Sabihin ninyo, “Nay. Tay. Tapos na po.”
At habang hinaharap ninyo ang mundo, remember who you have chosen to be. Choose to be honest when it is easier to compromise. Choose to be kind when others are not. Choose to be excellent not only for yourself, but for the people who are counting on you. The world will offer many definitions of success, but may you never lose sight of the kind of person you want to become.
Kapag ibinabahagi ko po ang mga payong ito, naaalala ko po ang aking dalawang anak na kambal na sina Luna Himaya at Tala Hiraya. Someday, it’s going to be their turn to finish school, to wear toga, and receive their diploma.
My dream for them is simple – gawin nila kung ano ‘yung gusto nila. Kaya kami nagtatrabaho ngayon para suportahan sila sa kung anong gusto nilang marating sa buhay.
Bilang isang ama, wala akong pangarap na maging doktor sila, abogado, o maging susunod na DBM Secretary. Syempre gusto ko lang na maging successful sila, pero higit sa anupaman, ang pangarap ko ay maging mabuti silang tao. Dahil naniniwala akong ang tagumpay ay hindi lang nasusukat sa taas ng posisyon. Nasusukat din ito sa uri ng taong pinili mong maging. And that’s I would like you to remember.
As I close, I would like you all to hold on to who you believe you will be. Hindi pa tapos ang kwento ninyo. In fact, nagsisimula pa lamang ito. There will be days when the road ahead will feel uncertain, but do not let fear convince you that you are not ready. You have survived difficult days before. You have learned, adjusted, sacrificed, and grown. Kaya kung may pagdududa man, balikan ninyo ang araw na ito at alalahanin: nakarating kayo rito dahil may lakas, talino, sipag at pangarap kayong hindi basta-basta sumusuko.
I would like to end with a quote from the late Pope Francis during his attendance at the World Youth Day in 2013:
“Dear young people, do not burry your talents, the gifts that God has given you! Do not be afraid to dream of great things!"
Kaya sa paglabas ninyo sa bulwagang ito, huwag lamang kayong umalis bilang mga graduate.
Lumabas kayo bilang mga Navoteñong handang maglingkod.
Kaya nga po noong ako’y unang tinanong kung willing ba akong maging Secretary ng Department of Budget and Management, ang sagot ko lamang po: Oo, dahil ako ay isang Navoteño.
Mga anak na handang suklian ang sakripisyo ng kanilang pamilya.
Mga propesyunal na hindi ipagbibili ang kanilang mga pangalan.
At mga mamamayang handang gawing mas mabuti ang bansang Pilipinas.
Navoteño tayo. Hindi tayo Navoteño lang.
Marunong tayong lumaban.
Marunong tayong bumangon.
At higit sa lahat—
Marunong tayong mangarap.
Mabuhay ang Navotas Polytechnic College Class of 2026.
Mabuhay ang kabataang Navoteño.
Mabuhay ang Pilipinas.
Maraming salamat po
[END]

