Accessibility Tools

 

 
DBM Press Release
 
 
Tiniyak ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na handa ang Ehekutibo na makipagtulungan sa Kongreso para maiayos ang mga kwestyunableng item sa FY 2026 National Budget, partikular na sa mga nakalistang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
 
Ito ang pahayag ng Kalihim nang tanungin ng media kaugnay sa pangamba ng iilan sa posibilidad na pagkakaroon ng reenacted budget matapos ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na busisiin ang panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at pagpapahiwatig ng Kongreso na ibabalik sa DBM ang 2026 National Expenditure Program (NEP).
 
"Siguro ang importante dito is that the Executive is very much willing to work with the Congress to make sure na maayos 'yung ating budget at magkaroon tayo ng budget. Again, 'pag wala kang budget, wala kang maipo-provide sa mga kababayan natin. Mas masakit 'yun," ani Sec. Amenah.
 
Sinabi ito ng Kalihim sa naging joint press conference na isinagawa noong ika-3 ng Setyembre 2025, kasama si Secretary Vince Dizon, na bagong itinalaga ng Pangulo bilang kalihim ng DPWH. Nagpulong ang dalawang opisyal para agad aksyunan ang utos ng Pangulo na i-review ang budget ng DPWH.
 
"Dito naman sa DBM, ready… assuming magkaroon tayo ng reenacted budget. Pero s'yempre, 'diba nga sinabi natin na 'yung reenacted budget, magko-cause ng downturn ng ating ekonomiya, especially now na nakikita natin 'yung malaking kontribusyon ng ating budget sa ating ekonomiya. Ayaw naman natin na mawala 'yun," ayon pa kay Sec. Amenah.
 
Ibinahagi naman nina Sec. Amenah at Sec. Vince na hindi lalagpas ng dalawang linggo ang pagbusisi sa panukalang budget ng DPWH. Anila, sapat ang panahon na ito para masunod ang timeline ng budget process.
 
"Susundin natin ang direktiba ng Pangulo. At para sa akin, na pangalawang araw ko pa lang, welcome ito, welcome itong pag-review, pagrepaso, pag-revisit at kung kinakailangan, pagbabago nung DPWH budget," ayon kay Sec. Vince.
 
Ipinaliwag din ni Sec. Vince na hihingin n'ya ang gabay ng DBM, para sa pagbusisi sa budget ng DPWH.
 
"Nag-usap kami ni Sec. Mina, we both agreed on a two-week timeline – dalawang linggo – maximum. Pwedeng mas maiksi. So, kailangan lang s'yempre, pagtrabahuan namin ito nang maigi, pupukpukin natin ang DPWH – ang ating mga kasamahan doon – para magkaroon tayo honest-to-goodness review," dagdag pa ni Sec. Dizon.
 
###