DBM Press Release

Maaari nang ma-monitor ng publiko ang flood control projects na pinondohan ng gobyerno sa pamamagitan ng Digital Information for Monitoring and Evaluation o project DIME, isa sa mga digitalization initiatives ng Department of Budget and Management (DBM).
Pinangunahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang paglulunsad ng flood control project component ng project DIME at ceremonial signing ng memorandum of understanding kasama ang ilang partner agencies para sa mas maigting na implementasyon ng proyekto ngayong Miyerkules, ika-27 ng Agosto 2025 sa Tripa de Gallina Pumping Station sa Pasay City.
"Kabilin-bilinan po ng ating Pangulong Bongbong Marcos na kung ano po ang pinopondohan natin, let's make sure po na makararating sa ating mga kababayan sa lalong madaling panahon," ayon kay Sec. Amenah.
Ang project DIME ay gumagamit ng modernong teknolohiya, tulad ng satellites, drones at geotagging para i-monitor at i-evaluate ang status o kalagayan, at aktibidad ng mga big-ticket infrastructure projects ng gobyerno. Sa pamamagitan din ng project DIME, may epektibong participatory validation at reporting mechanism para sa mga proyekto. Bukod sa maaaring makita ng publiko ang status ng mga proyekto, mayroon itong community engangement feature kung saan maaaring mag-post ng feedback ang sinuman patungkol sa mga proyekto gamit ang kanilang Google o social media accounts.
Sakop ng project DIME ang ilang mga proyekto tulad ng access roads sa mga paliparan at pantalan, farm-to-market roads, railway projects, basic educational needs, irrigation systems, at ngayon ay pati flood control projects at iba pa.
"Mangyayari lang po itong proyektong ito, magiging functional lang po itong system natin kung magtutulungan po tayo - whole of government approach," dagdag pa ni Sec. Amenah.
Ibinahagi din ng Kalihim na bagamat 2018 pa inilunsad ang project DIME, muli itong binigyang-buhay sa pagtutulungan ng iba pang ahensya ng pamahalaan at civil society organizations. Muling inilunsad ang project DIME taong 2023, alinsunod sa ipinalabas na Executive Order No. 31 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pormal na nagtatag sa Philippine Open Government Partnership (PH-OGP). Layunin ng PH-OGP na itaguyod ang transparency, accountability, at public participation sa pamamahala.
Ang project DIME ay ipinatutupad sa pakikipagtulungan sa Philippine Space Agency, National Mapping Resource Information Authority, University of the Philippines - Nationwide Operational Assessment of Hazards (UP-NOAH) Center, at Department of Public Works and Highways.
Kasama rin sa mga lumagda sa kasunduan sina Department of Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda, Department of Transportation Secretary Vince Dizon at Department of Education (DepEd) Undersecretary Mel John Verzosa, bilang kinatawan ni DepEd Secretary Sonny Angara.
Samantala, nagpakita rin ng suporta sa aktibidad sina Metro Manila Development Authority Chair Romando Artes, Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, at development partners mula sa civil society organizations.
###

